Nanawagan si Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima na i-livestream nang buo ang lahat ng pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at limitahan ang executive session sa mga pambihirang pagkakataong pinapayagan ng Korte Suprema.
Kinuwestiyon ng mambabatas ang guidelines ng ICI na nagpapahintulot ng closed-door hearings, dahil ang mga isyung iniimbestigahan kabilang ang umano’y iregularidad at posibleng korapsyon sa flood control projects ay malinaw na may public interest.
Giit niya, hinihingi ng Konstitusyon at Executive Order 94 ang ganap na paglalantad ng mga prosesong may kaugnayan sa publiko.
Sinabi rin niyang dapat maglabas ang komisyon ng supplemental guidelines na may mas malinaw na batayan at iwasan ang paggamit ng mas malawak na exceptions mula sa Republic Act 6713 o sa SC Rules on Access to Information.
Maaari naman aniyang ilabas ang recordings ng nakaraang hearings kapag pumayag ang mga testigo. Dagdag pa ni De Lima, hindi korte ang ICI, kaya’t hindi kailangan maging sobrang higpit o pormal ang proseso ng imbestigasyon.
















