Mahigit P115 bilyon ang natuklasang inilaan para sa mga tinaguriang “shadow” o di-klarong proyekto sa flood control ngayong 2025.
Batay ito sa pag-aaral ng University of the Philippines National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG).
Natuklasan sa pag-aaral na ang “shadow” flood control budget, na tumutukoy sa mga proyektong hindi kabilang sa opisyal na Flood Management Program (FMMP), ay patuloy at malaki ang naging pagtaas sa paglipas ng mga taon, mula P81.552 bilyon noong 2022 hanggang P115.262 bilyon sa 2025.
Ayon sa UP-NCPAG, nararapat din umanong busisiin nang kaparehong antas ang iba pang bahagi ng General Appropriations Act (GAA) na may kaugnayan sa alokasyon para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM).
Giit nila, sa nakalipas na 15 taon, nakatanggap ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng kabuuang P7.9 trilyon — ang pinakamalaki kumpara sa ibang ahensya. Sa kabila nito, nananatiling matindi ang epekto ng mga sakuna at pagbaha sa bansa.
Ayon sa datos, malinaw na ang problema ay hindi lamang kakulangan sa pondo kundi sa pamamahala, transparency, at accountability.
Dagdag ng UP-NCPAG, ang tunay na hamon ngayon ay tiyakin na bawat pisong inilaan para protektahan ang mga komunidad ay tunay na magsilbi sa mamamayan, at hindi mapunta lamang sa bulsa ng iilan.
Upang matugunan ang mga isyu, iminungkahi ng UP-NCPAG:
- – Palawakin ng Independent Commission on Infrastructure ang kanilang imbestigasyon, kapwa sa lawak at lalim.
- – Ipatupad ng Executive Branch ang mga systemic reforms sa pamamahala ng proyekto.
- – Ilipat ng Kongreso ang mga tungkulin sa disaster risk reduction sa isang dedicated agency.
- – Palakasin ng mga oversight agencies ang mga mekanismo ng accountability sa badyet.
Ayon sa UP-NCPAG, kung mananatiling hindi nalulutas ang mga sistemikong isyu, patuloy na makakaranas ng pagbaha ang mga Pilipino, hindi dahil sa kakulangan ng pondo, kundi dahil ang DPWH ay “nalulunod” sa dami ng mga proyekto na hindi kayang maipatupad at ma-account nang maayos.