Kumpyansa ang Department of Education (DepEd) na pagbibigyan ng Kongreso ang kanilang kahilingan para sa karagdagang pondo na umaabot sa halos ₱100 bilyon para sa taong 2026.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang dagdag na pondo na ito ay nakalaan upang solusyunan ang mga kinakailangang pagbabago sa sistema ng edukasyon.
Kabilang sa mga prayoridad na tutugunan ay ang kakulangan sa mga silid-aralan, ang problema ng malnutrisyon na nakaaapekto sa pag-aaral ng mga bata, at ang kakulangan ng mga kagamitan na kailangan para sa mga estudyante at mga guro sa iba’t ibang panig ng bansa.
Idinagdag pa ng kalihim na bawat pisong ilalaan ay sisiguraduhing mapapakinabangan at mararamdaman ng mga guro at mag-aaral sa buong Pilipinas.
Binigyang-diin niya na ang halagang ito ay katumbas ng 4% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, na siyang itinalaga para sa mga pangmatagalang reporma at pagpapaunlad sa sektor ng edukasyon.
Upang matiyak na maisasakatuparan ang mga pangakong ito at upang maging malinaw kung saan napupunta ang pondo, sinabi ni Angara na gagamit ang DepEd ng buwanang public dashboards at open government platforms.
Sa pamamagitan nito, mas magiging transparent at accountable ang ahensya sa paggamit ng pondo, at masusubaybayan ng publiko ang progreso ng mga proyekto at programa ng DepEd.
Kasunod ng pahayag na ito, nagpaabot ng pasasalamat si Secretary Angara sa Senado para sa kanilang patuloy na suporta sa mga programa ng DepEd.