Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng School Sports Club (SSCs) sa lahat ng pampublikong elementarya at high school bilang bahagi ng pagpapabuti sa pisikal na kalusugan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng hakbang na ito na maiugnay ang kalusugan at academic recovery ng mga estudyante matapos ang nagdaang pandemya.
Batay sa datos ng DepEd, hindi naabot ng maraming kabataang Pilipino ang rekomendasyon ng Word Health Organization na 60-minutong physical activity kada araw, dahil sa matagal na oras ng pag-upo sa klase at epekto ng remote learning noong pandemya.
Sa pamamagitan ng SSCs at kasabay ng Physical Education curriculum, magkakaroon ng 2 hanggang 3 oras na sports activity para sa mga mag-aaral.
Gagawin namang mandatory ang Arnis sa mga pampublikong paaralan, habang ang iba pang sports ay ibabatay sa interes ng mga estudyante, pasilidad ng paaralan, at mga gamit na mayroon ang mga ito.
Itataguyod din ang unified sports kung saan sabay na maglalaro ang mga batang may kapansanan, upang isulong ang inclusivity, pagkakaibigan, at bawasan ang bullying.
Bagamat magiging mandatory ang pagkakaroon ng SSCs sa mga paaralan, boluntaryo at bukas sa lahat ang pagsali—kabilang ang mga nasa Alternative Learning System at learners with disabilities.