KALIBO, Aklan — Mahigpit na nagbabala si Police Regional Office (PRO-6) Regional Director PBGen. Josefino Ligan laban sa mga taong nasa likod ng pagsasagawa ng bomb threats sa buong Western Visayas.
Aniya, may nasampahan na sila ng kaso laban sa ilang indibidwal na nagsagawa ng bomb threat.
Simula Enero ng kasalukuyang taon, umabot na sa 73 nga bomb threats ang nai-report sa Western Visayas na kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng text o social media.
Noong nakaraang linggo, isang private school rin sa bayan ng Kalibo ang nabulabog dahil sa bomb threat, kung saan, itinuturing na itong case closed ng mga awtoridad matapos na matukoy ang nasa likod ng pagbabanta na isang 14 anyos na Grade 9 student ng naturang paaralan.
Samantala, nakipagpulong si PBGen. Ligan kay Malay Mayor Frolibar Bautista para sa paghahanda sa nalalapit na ASEAN activities sa Boracay.
Kasama sa kanilang natalakay ang tungkol sa positibong palitan ng ideya, matatag na pagtutulungan, at iisang layunin na matiyak ang maayos, ligtas, at matagumpay na pagho-host ng Boracay sa gaganaping ASEAN Senior Economic Officials Meeting (SEOM) Retreat 2026.
















