-- Advertisements --

Patay ang dalawang katao habang tatlong iba pa ang sugatan matapos ang karambola ng siyam na sasakyan sa Silang, Cavite.

Nangyari ang aksidente sa Tagaytay-Santa Rosa Road sa Sitio Muzon ng Barangay Puting Kahoy.

Sinabi ni Col. Joseph Macatangay, ang hepe ng Silang Municipal Police Station, nakilala na nila ang drayber ng motor habang ang isang biktima ay hindi pa matukoy kung saan ito nakasakay.

Kasama rin sa nasugatan ang isang limang-taon gulang na babae na tumatawid lamang sa kalsada patungo sa kaniyang paaralan.

Base sa kuha ng CCTV, dakong 7:20 ng umaga nitong Marso 18 ng binabagtas ng 10-wheeler truck ang Santa Rosa City, Laguna at nabangga ang mga sasakyan sa harap nito.

Walong iba pa ng nadamay sa aksidente kabilang ang SUV, van, kotse, motorsiklo, at iba pang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Matapos ang aksidente ay nagtuloy-tuloy ang pag-andar ng truck hanggang ipinarada na lamang ng driver ito sa madamong lugar sa Barangay Santo Domingo, Santa Rosa, bago tumakas.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad ay nawalan ng preno ang truck habang pababa itong binabagtas ang lugar.

Nakilala na ang driver ng truck at patuloy na siyang pinaghahanap ng mga otoridad para harapin ang patong-patong na kaso.