-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagbabala ang ilang eksperto na tataas ang antas ng kahirapan ag gutom sa Pilipinas kung magtatagal pa ang geopolitical tension sa Middle East na sinimulan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay geopolitical analyst Professor Anna Malindug-Uy, sinabi nito na hindi basta-basta ang kasalukuyang economic crisis na kinakaraharap ng bansa dahil sa nakakalulang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado na nagkaroon ng domino effect sa mga pangunahing bilihin.

Inaasahan na aniya na kasunod nito ay tataas rin ang krimen gaya ng nakawan, hold-up, scams at iba pa para maibsan ang gutom.

Tinitingnan rin ng eksperto na sa mga susunod na buwa ay baka hindi na kayanin ng karaniwang mamamayan na mapunan ang kanilang pangangailangan o baka hindi na mabili ng mga ito ang sapat na pagkain para sa kanilang pamilya.
Ito ay matapos na walang senyales na tataas ang sahod ng mga minimum wage earners sa kabila na nagsitaasan na ang pamasahe at mga bilihin.

Nakakabahala na aniya ang kasalukuyang kalagayan sa bansa dahil kahit sila na nasa middle class ay naramdaman na ang krisis na kinakaharap ng bansa dulot ng sigalot sa Middle East.