-- Advertisements --

LAOAG CITY – Iginiit ni Father Arvin Mangrubang, pangulo ng Grupong Saluadan na hindi ang pagbaba o pagsuspenso sa fuel excise tax ang solusyon sa kinakaharap na krisis hinggil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Middle East.

Reaksyon ito ni Mangrubang matapos aprubahan ng Senado ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para bumaba o masuspenso ang fuel excise tax.

Sinabi ni Mangrubang na ang dapat gawin ng mga mambabatas ay ibasura ang oil deregulation law dahil ito ang nagpapahirap sa mga Pilipino.

Ang Deregulation Law sa Pilipinas, partikular ang Republic Act No. 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act ng 1998, ay batas na nag-alis sa direktang kontrol ng pamahalaan sa pagtatakda ng presyo at distribusyon ng produktong petrolyo.

Dagdag ni Father Mangrubang na kahit bumaba o masuspenso ang fuel excise tax ay hindi rin makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.