Viral video ng dating punong barangay dahil sa dalawang empleyado nito sa Laoag City, iniimbestigahan na ng mga otoridad
LAOAG CITY – Agad iniutos ni Mayor James Bryan Alcid sa Philippine National Police na imbestigahan ang viral video ni dating Barangay Chairman Dan Toledanes sa Barangay 2 dito sa lungsod ng Laoag kung saan mapapanood dito ang pananakit niya sa dalawang empleyado nito.
Mahigpit din kinondena ng alkalde, pati mga ibang opisyal sa lungsod ng Laoag, at ang PNP ang nasabing pangyayari.
Lumalabas base sa video na kinakastigo ng dating punong barangay ang dalawang empleyado dahil sa umanoy pagnanakaw ng mga ito sa pinagtatrabahuhan nila na pagmamay-ari nito.
Sinabi naman ni Police Lt. Col. Ryan Retotar, ang chief of police dito sa lungsod ng Laoag na ang viral video ay nangyari pa noong Hunyo o Hulyo sa nakaraang taon.
Sinabi niya na kailangan makikoordina sa kanila ang mga biktima at mga testigo para makapaghain sila ng sworn statement.
Dagdag niya na kailangan sumailalim ng medical examination ang mga biktima para malaman kung may residual effect pa ang nangyari sa kanila, at nakahanda silang tulungan ang mga ito kung maghahain sila ng reklamo laban sa dating punong barangay.
















