-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Ikinagalit ng sektor ng transportasyon ang naging anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinasuspinde nito sa Department of Transportation (DoTr) ang fare increase sa public utility vehicles (PUV’s) na lumalagare sa mga pangunahing kalsada sa buong bansa.

Ayon kay No to PUV Phaseout Coalition Panay lead convenor Elmer Forro, sa katiting na itinaas sa pamasahe ay ipinagdamot pa ito ng pamahalaan sa mga drivers and operators kung kaya’t nakakapanglumo aniya ang naging pasya ng Pangulo.

Sa katunayan ayon pa kay Forro, halos 50 porsyento sa mga PUV’s driver and operators sa Western Visayas ang tumigil sa pamamasada dahil sa kakulangan ng kita.

Maituring aniya na band-aid solution ang isinasagawang hakbang ng gobyerno at hindi nila nakikita ang kongkretong aksyon na makatulong sa mga ito na mapagaan ang kanilang pinapasan na hirap.

Kaugnay nito, kaisa sila sa grupong PISTON na magsasagawa ng dalawang adlaw na nationwide welga at noise barrage upang maiparating sa pamahalaan ang kanilang hinaing dulot ng patuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.