Humiling ang Department of Education ng P928.52 billion badyet para sa 2026 sa Senado.
Layunin ng pondo na tugunan ang siksikan sa mga silid-aralan, gutom ng mga mag-aaral, at kakulangan ng mga kagamitan ng mga guro at estudyante sa buong bansa.
Ang alokasyon na ito, katumbas ng 4% ng GDP ng bansa, ay nakatuon sa pinakamahalagang pangangailangan ng pampublikong edukasyon habang naghahanda para sa pangmatagalang reporma.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bawat piso ng badyet ay nakalaan para sa mga guro at mag-aaral.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang suporta ng Pangulo at ng mga mambabatas upang matugunan ang agarang pangangailangan at mapagtibay ang pundasyon ng sektor ng edukasyon.
Narito ang mga pangunahing programa sa ilalim ng panukalang badyet:
- ₱13.2 bilyon ang ilalaan para sa halos 4,900 bagong classrooms sa 2026 upang mabawasan ang siksikan. Target ng DepEd, sa tulong ng LGUs at pribadong sektor, ang karagdagang 40,000 classrooms pagsapit ng 2028.
- ₱11.8 bilyon ang ilalaan sa School-Based Feeding Program para masigurong may sapat na pagkain ang lahat ng Kindergarten at malnourished na mga estudyante mula Grade 1 hanggang 6.
- ₱16 bilyon ang nakalaan para sa pagbili ng laptops at internet connectivity ng mga paaralan na wala pang access.
- ₱6 bilyon ang itatalaga para sa career progression at promosyon ng tinatayang 113,000 guro at school heads — pinakamalaking investment para sa kanilang kabuhayan.
 
		 
			 
        















