Nananatiling Department of Education (DepEd) kasama na ang State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang nakakuha ng lion’s share o pinakamalaking alokasyon sa proposed 2021 national budget kung saan mayroon itong P754 billion budget.
Magugunitang kagabi, naipasa na sa third and final reading ng Kamara ang 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.5 trillion.
Pumapangalawa sa may pinakamalaking share ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na mayroong P667.3 billion.
Kabilang pa sa top10 departments sa budget share ang Department of Interior and Local Government (DILG), P246.1 billion; Department of National Defense (DND), P209.1 billion; Department of Health (DOH), P203.1 billion kasama na ang budget ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth); Department of Social Welfare and Development (DSWD), P171.2 billion; Department of Transportation (DOTr), P143.6 billion; Department of Agriculture (DA) P66.4 billion; Judiciary, P43.5 billion at Department of Labor and Employment (DOLE), P27.5 billion.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na tinitiyak nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na walang mangyayaring re-enacted budget para sa susunod na taon.
Matapos maipasa ang kanilang bersyon, ipapadala raw ng Kamara ang approved bill sa Senado para magkaroon ng sapat na panahon ang mga senador na mabusisi ang national budget.