Inanunsyo ng Estados Unidos ang pagbibigay ng karagdagang $250 million o katumbas ng humigit-kumulang P13.8 billion na tulong pinansyal sa Pilipinas.
Layon ng pondong ito na palakasin ang mga serbisyong pangkalusugan sa bansa, kabilang ang pag-iwas at pagkontrol ng tuberculosis, pagpapabuti ng kalusugan at nutrisyon ng mga bata, kasabay ang pagpapalawak ng mental health services.
Ayon sa US Department of State, bahagi ito ng patuloy na pagtutulungan ng dalawang bansa upang matugunan ang mga hamon sa pampublikong kalusugan.
Kaugnay nito ang mga proyektong itinuturing na prayoridad ay pamamahalaan ng US Embassy Foreign Assistance Section, at nakatuon sa supply chain management, data systems, at pagsasaayos ng mga laboratoryo sa bansa.
Ang bagong tulong ay kasunod ng naunang P3 billion na inanunsyo rin ng Estados Unidos matapos ang pulong nina US President Donald Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House noong Hulyo na nakalaan sa resilience ng energy sector, Luzon Economic Corridor, at pagpapalakas ng defense military ng Pilipinas.
Sa kabuuan, umabot na sa mahigit P17 billion ang tulong na naibibigay ng Amerika sa Pilipinas ngayong 2025.