Para suklian ang hirap at sakripisyo ng mga guro na magsisilbi sa 2025 midterm elections, muling itutulak ng Department of Education-7 at kung maaari ay pataasan ang parehong monetary at service credits.
Binigyang-diin ni DEPED-7 Regional Director Dr. Salustiano Jimenez na hindi madaling maglingkod sa panahon ng halalan – nariyan ang panganib at kulang sa tulog, bukod sa iba pa.
Sinabi pa ni Jimenez na sa nakalipas na eleksyon ay ito pa aniya ang kanyang itinutulak kung saan nagrequest din ito ng mga naka standby na legal counsel para sa mga guro sakaling magkaroon ng hamon.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang schools division offices sa kanilang mga counterpart at nakatakdang tukuyin kung sinu-sino ang magsisilbi sa darating na halalan.
Nilinaw naman nito na hindi nila mapipilit ang mga guro na magsilbi bagaman karamihan umano ay handang maglingkod.
Idinagdag pa nito na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay nito at lagi naman aniyang nakahandang magsilbi ang mga guro at non-teaching personnel ng kagawaran.