Nagpahayag ng paghanga ang mga negosyante mula sa Europe sa mga ginagawang hakbang ng Department of Tourism para makatulong sa muling pagbango ng ekonomiya ng bansa matapos nga itong pabagsakin ng Covid -19 pandemic.
Ang pahayag na ito ay matapos mag courtesy call kay Tourism Secretary Ma. Christina Frasco ang ilang kinatawan ng EU-ASEAN Business Council pati na rin ng European Chamber of Commerce of the Philippines.
Sa nasabing pag-uusap ay inilatag ni Frasco ang mga hakbang na ginagawa ng kanilang ahensya upang tuluyang manumbalik ang sigla ng tourism industry sa Pilipinas.
Aniya, kasama dito ang pagluluwag sa mga travel protocols at mga kinakailangang dokumento sa pagpasok sa bansa, digitalization sa visa requirements at pagproseso nito.
Kabilang rin ang pagdaragdag at pagpapaigting ng air connectivity at pagtatayo ng mga kalsada mula at patungo sa mga kilalang dastinasyon sa bansa.
Umaasa rin ang kalihim ng turismo na sa pamamagitan ng mga paraang ito ay patuloy na maitataguyod ang mga layunin ng gobyerno na maihanay ang Pilipinas sa mga tinatawag na “Tourism Powerhouse” ng buong mundo.