-- Advertisements --

Nilinaw ni Health Secretary Ted Herbosa na ang zero-billing policy na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ay saklaw ang lahat ng pasyente sa mga ospital na pinapatakbo ng Department of Health (DOH).

Sinabi ni Herbosa na sakop ng polisiya ang mga pasyenteng naka-confine sa mga “basic accommodation” o mga ward rooms ng 83 DOH-run medical facilities.

Ayon kay Herbosa, matagal nang ipinatutupad ang zero balance para sa mga indigent patients sa ilalim ng programang “Bayad na ang Bill Mo.” Ngunit dahil sa karagdagang pondo para sa Maintenance and Operating Expense ng DOH hospitals, lahat ng pasyente sa basic accommodation o wards ay hindi na kailangang magbayad kahit piso.

Gayunman, nilinaw din ni Herbosa na hindi saklaw ng zero-billing policy ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, at Philippine Children’s Medical Center dahil karamihan sa kanilang mga silid ay private rooms na kumikita at nagsu-subsidize sa ward accommodations. (Report by Bombo Jai)