Ibinulsa ng 2023 NBA champion Denver Nuggets ang Game 1 laban sa top NBA team na Oklahoma City Thunder, 121-119.
Bumida sa panalo ng Nuggets ang bigman at dating finals MVP na si Nikola Jokic na muling gumawa ng double-double – 42 points at 22 rebounds. Hindi rin nagpahuli si Nuggets forward Aaron Gordon na nag-ambag ng 22 points at 14 rebounds, kasama ang game-winner na isang isang 3-pointer.
Hawak kasi ng Thunder ang 1-point lead, sampung segundo bago matapos ang laban, 119 – 118, at hawak ng koponan ang bola.
Sa huling sampung segundo, ginawaran si Thunder forward Chet Holmgren ng dalawang free throw matapos siyang ma-foul ni Russel Westbrook. Gayonpaman, hindi naipasok ni Holmgren ang dalawang free throw habang napunta kay Denver guard Christian Braun ang rebound.
Agad nitong ipinasa kay Westbrook ang bola sa transition ngunit kinalaunan ay ipinasa rin ito ni Westbrook kay Gordon. Dito na tinangka ni Gordon ang isang 25-feet running jump shot na tuluyan ding pumasok, tatlong segundo bago matapos ang laban.
Sa naging transition, tinangka ni Thunder forward Jalen Williams ang 56-ft pullup jump shot ngunit hindi na nito naisalba ang kaniyang koponan.
Nasayang ang 33 points, sampung rebounds, at walong assists ni Shai Gilgeous-Alexander sa pagkatalo ng Oklahoma sa sarili nitong homecourt, kasama ang 20 points ng defensive specialist na si Alex Caruso.
Para kay Denver center Nikola Jokic, nagawa nilang mabantayan ang Thunder sa huling bahagi ng laban at pinilit na idikta resulta nito.
Bagaman may mga laban aniya na hindi nila ito nagagawa, malaking bagay ang magandang koordinasyon sa pagitan ng mga Nuggets player.
Hindi naman ikinaila ni Nuggets forward Aaron Gordon na ang tiwala ng kaniyang mga kapwa player ang nagtulak sa kaniyang confidence upang gumawa ng mga clutch shots.
Malaking tulong din aniya ang episyenteng passing ability ni Jokic para sa clutch performance ng koponan.
Nang matanong naman si Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander kung saan nagkulang ang kaniyang koponan, sinabi niyang wala na silang magagawa sa natapos nang laban. Ang tanging magagawa aniya ng kanilang koponan ay paghandaan ang susunod na laban ng Thunder.
Gaganapin muli sa homecourt ng Thunder ang ikalawang tapatan (Game 2) sa pagitan ng dalawang team. (report by Bombo Genesis)