-- Advertisements --
Manila Bay 3 2019

Tulad ng inaasahan, mabilis na natapos ang budget briefing ng Office of the President (OP) sa House appropriations committee ngayong araw.

Tumagal lamang kasi ng halos 10 minuto ang deliberasyon ng komite sa P8.2 billion budget ng OP para sa susunod na taon.

Ang naturang halaga ay mas mataas ng 21.07 percent kompara sa P6.7 billion alokasyon ng OP sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act.

Pinakamalaking bahagi ng 2020 budget ng OP ay inilalaan sa Maintenance and Other Operating Expenses sa halagang P6.7 billion.

Pumapangalawa rito ang para sa Personnel Services sa higit P1 billion; habang P427 million naman ang para sa capital outlay.

Si Executive Sec. Salvador Medialdea ang dumalo sa deliberasyon ng komite sa 2020 budget ng OP.

Samantaala, nakatutok pa rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sa budget briefing sa Kamara, humihingi ang DENR ng P1.4 billion para sa Manila Bay rehabilitation.

Ayon kay DENR Usec. Juan Miguel Cuna, malaki na ang naging pagbabago ng Manila Bay magmula nang simulan ang paglilinis dito noong Enero 27.

Nabawasan na aniya ang solid waste sa Manila Bay kaya patuloy din ang pagbaba ng fecal coliform level sa tubig.

Tinututukan din ng ahensya ang compliance sa sewerage system at katuwang nila dito ang Department of the Interior and Local Government, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Public Works and Highways, at Laguna Lake Development Authority.

Bukod sa linggo-linggong paglilinis atuwang ang mga organisasyon at iba pang mga volunteers, nakipag-partner din ang DENR sa mga private sector para sa patuloy na pangangalaga ng Manila Bay.

Nabatid na P25.5 billion ang pondo ng DENR para sa susunod na taon, mas mataas ng 16 percent kompara sa P21.959 billion na alokasyon ngayong 2019.