Duda si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung sinsero ang pagiging bukas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na makipag-ayos sa pamilya Duterte.
Sa panayam, sinabi ni dela Rosa mayroon na siyang masamang karanasan kay Pangulong Marcos kung saan iba umano ang sinasabi sa kanyang ginagawa.
Tinukoy ni dela Rosa ang naging pangako ni Marcos na hindi pahihintulutan na makapasok ang International Criminal Court sa bansa ngunit pinapasok pa rin.
Nang matanong naman ang senador kung bukas ang mga Duterte na makipag-ayos kay Pangulong Marcos, aniya, wala naman daw na may gusto ng away ngunit kinakailangan nang matinding sinseridad dahil sa lalim ng sugat.
Kaugnay naman sa nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni dela Rosa na mas mainam na huwag na lamang itong ituloy.
Nagpahayag din ng saloobin ang ilang mga senador sa pagiging bukas ni Pangulong Marcos na makipag-ayos sa pamilya Duterte.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, bilang ama ng bansa si Pangulong Marcos, ang pakikipag-ayos ang pinakamainam na pag-uugaling maaaring taglayin ng isang pinuno.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, nagpapakita si Pangulong Marcos na kanyang hangarin na iprayoridad ang kapakanan ng bansa sa halip na unahin ang bangayan sa pulitika.
Gaya aniya ng sinabi ng pangulo, ngayong tapos na ang eleksyon, tapos na ang batuhan ng putik.
Mas mabuti aniya na ituon nilang mga halal na opisyal ang atensyon sa tunay na gawain sa gobyerno—ang pagbuo ng bansa para sa kabutihan ng lahat.
Ayon pa kay Estrada, simula’t sapul hindi raw siya sang-ayon sa pagsasagawa ng impeachment trial dahil magdudulot lamang ito ng pagkakawatak-watak nating mga Filipino.
Ngunit, bilang senador, tungkulin nilang aksyunan ang anumang impeachment complaint.
Nararapat lamang aniya na matanggap ng sambayanang Pilipino ang isang Senado na may integridad, pagiging patas, at paggalang sa tamang proseso.
Para naman kay Senador JV Ejercito, kahit parang malabo at mahirap sa ngayon dahil sa posibleng malalim na alitan at hidwaan, umaasa siya na magkaroon pa rin ng positive development.