Hinamon ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang liderato ng Senado na disiplinahin ang mga miyembro nito.

Ito’y matapos na paratangan ni Sen. Panfilo Lacson ang Kamara nang pagsingit ng ilang bilyong pisong pork barrel funds sa ilalim ng P4.1 trillion proposed 2020 national budget.

Sinabi ni Defensor na ang akusasyon ni Lacson ay hindi maganda para sa Kamara bilang institusyon at maging sa mga miyembro nito ngayong 18th Congress kung saan 30 percent dito ay pawang mga baguhan.

Hindi aniya patas para sa mga ito ang paratang ng senador sapagkat ang 2020 proposed national bugdet ay inihanda noon pang nakaraang taon.

“Kung ang mga miyembro ng Senado ay kayang magsalita tungkol dito sa sinasabing mg aproyekto at programa ng bawat miyembro ng Kongreso at yung ang kanilang kasama ay magsasalita laban dito ay siguro magkakaproblema kami diyan,” ani Defensor.

Bukod dito, binigyan-diin ni Defensor na ang inaprubahan General Appropriations Bill ay walang lump sum bagkus sinasalamin lamang nito ang isinumiteng National Expenditure Program ng ehekutibo.