Defense team ni VP Sara nag-waive sa cross-examination, sinabing magiging “petty” na ang dagdag na pagtatanong
Nagpasya ang kampo ni Vice President Sara Duterte na i-waive ang cross-examination sa isa sa mga testigo ng House prosecution sa pagpapatuloy ng impeachment trial, dahil wala na umanong isyung kailangang tutulan sa kanyang testimonya.
Ayon kay defense spokesperson at counsel Atty. Michael Poa, hindi na nila kinuwestiyon ang testimonya ni dating government Bank department manager Violeta Constantino, na tumalakay sa pag-encash ng apat na tsekeng nagkakahalaga ng tig-P125 milyon ng dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer na si Gina Acosta bilang bahagi ng pagtalakay sa Article I ng impeachment complaint.
Sinabi ni Poa na magiging “petty” na lamang ang karagdagang pagtatanong dahil hindi naman kinukuwestiyon ng depensa ang pagiging balido ng pag-encash ng mga tseke.
Dagdag pa ni Poa, ang paglalarawan ng testigo na “unusual” ang cash withdrawals ay personal na opinyon lamang at hindi nakaaapekto sa mga isyung dinidinig ng impeachment court.
Sa naging cross-examination naman kay dating Government Bank-DepEd branch manager Nenita Camposano, sinabi ni Poa na layunin lamang ng depensa na linawin kung bakit dumaan sa fire exit ang dating DepEd Special Disbursing Officer na si Edward Fajarda matapos kunin ang cash, upang maiwasan ang anumang maling interpretasyon sa paggamit ng naturang labasan. (report by Bombo Jai)
















