chopper crash bukidnon

Nagpasalamat ang Department of Defense (DND) sa Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pag-apruba ng plano na bumili ng karagdagang mga helicopter.


Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging pahayag ng Pangulo ay hudyat para simulan ng DND ang proseso ng pag-paghahanap ng mga bagong chopper para ipamalit sa mga lumang UH-1H o Huey Helicopters ng Philippine Air Force (PAF).

Sa ngayon aniya ay grounded ang lahat ng Huey Helicopters ng militar matapos ang pagbagsak ng isa sa mga ito sa Bukidnon nitong nakaraang linggo dahil sa engine failure.

Panahon na rin aniya para palitan ng bagong Combat Utility Helicopter ang lahat ng Huey choppers ng militar dahil may edad na ang mga ito.

Pero dahil sa kakulangan ng pera, natigil ang pagbili ng DND ng mga chopper .

Ang huling binili nito ay ang mga Silorsky Blackhawk Helicopters kung saan anim na ang naideliver at 10 pa ang darating.

Sinabi ng Kalihim, ngayon aniyang nagsalita na ang Pangulo ay sisimulan na ng kagawaran ang pag-“shopping” sa mga available na modelo na magandang bilhin na pasok sa budget.