-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na may kasunduan ang Pilipinas at China tungkol sa Ayungin Shoal.


Ang pahayag ng kalihim ay reaksyon sa sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian na dapat tuparin ng Pilipinas ang commitment nito na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon sa kalihim, sa kanyang pagkakaalam ay walang ipinangako ang Pilipinas na aalisin ang BRP Sierra Madre sa naturang lugar.

Paliwanag ni Lorenzana, 1999 pa sadyang inilagay sa lugar ang BRP Sierra Madre, at kung may ganoong kasunduan ay matagal na sanang inalis ito doon.

Una naring iginiit ng kalihim na ang China ang “trespassing” sa Ayunging shoal dahil dalawang dokumento ang hawak ng Pilipinas na patunay ng pag-aari nito sa lugar.

Una aniya ay ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) declaration na kumilala sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na nakakasakop sa Ayungin Shoal; at ang 2016 Arbitral Ruling na nagtaguyod ng karapatan ng Pilipinas sa EEZ nito sa West Philippine Sea.

Kaya giit ni Lorenzana may soberanya ang Pilipinas sa Ayungin shoal dahil pasok ito sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.