-- Advertisements --
floods cauayan Ulysses isabela

Dumoble pa ang naitalang nasawi mula sa anim na rehiyon na hinagupit ng Bagyong Ulysses.

Ayon kay NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) spokesperson Mark Timbal, ito’y umakyat na sa 67 at ang may pinakamaraming fatalities ay sa Region 2 na nakapagtala ng 22.

Pumangalawa ang Region 3 na may dalawa; CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), nasa 17; Region 5 at National Capital Region, na mayroong tig-walong patay; at sa Cordillera Region ay nasa 10.

Sumampa naman sa 21 ang sugatan mula sa Region 3, CALABARZON, Region 5 at Cordillera Region; habang nasa 12 indibidwal ang nawawala o missing.

Sinabi ni Timbal na sa ngayon, hindi pa nila mailabas ang bilang ng mga indibidwal na na-rescue ng pamahalaan.

Sa ngayon kasi naka pokus pa ang gobyerno sa response operatons sa ground.

“Ang priority po ngayon ay maisagawa ang mga response operations on the ground. Hindi namin kinukulit ng labis ang mga kasamahan natin sa groound to submit their reports since they are also involved in the coordination of response,” mensahe ni Timbal.

Sa panig naman ng Philippine National Police (PNP), nasa 23 na ang naiulat na nasawi sa probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.

Ang nasabing datos ay as of 9:00 PM ng November 14, 2020.

Nakapagtala na rin ang PNP ng nasa 50,326 indibidwal na nailigtas mula sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Batanes at Santiago City.