Sinalakay at nagsagawa ng isang raid ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ng kanilang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) unit para masakote ang mga indibidwal na patuloy na nag-ooperate ng isang online gambling site sa Makati nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, mula sa raid ay nailikas ang 41 indibidwal na hinihinalang mga biktima ng human trafficking habang naaresto naman ang pitong personalidad na siyang sangkot sa iligal na gawain na ito.
Sa inisyal na report ng CIDG, napagalaman na ang pito ay kinabibilanagn ng tatlong Taiwanese, isang Chinese, isang Myanmar national at dalawang pilipino.
Ang limang banyaga ay napagalaman namang pawang mga empleyado ng isang gambling company na nag-o-operate bilang internet gambling operator ng walang lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nakumpiska naman sa operasyon ang 60 computer units, 25 sim cards, higit sa 200 indetification cards at iba pang mga dokumneto na siyang isasailalim naman sa mga pagsusuri.
Napagalaman din sa imbestigasyon na modus ng kumpaniya na tiyaking matatalo ang mga tataya sa kanilang pasugalan gamit ang kanilang gaming website kung saan tahasang nakita ng PNP ang mga pandarayang ginagawa ng mga empleyado upang masiguro na matatalo ang mga itinayang pera sa kanilang website.
Sa ngayon naman ay nasa kustodiya na ng CIDG ang pitong naaresto at isinasailalim na sa ngayon sa inquest proceedings dahil sa kanilang naging paglabag sa Executive Order 74, Presidential Decree no. 1602 in relation to Republic Act 10175 o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act at Republic Act 8484 o paglabag sa Access Devices Act.
Samantala, maliban naman sa mga nauna nang kaso ay tinitignan na rin ng Pambansang Pulisya ang pagsasampa ng iba pang kaso na may kaugnayan naman sa pang-aabuso sa 41 indibidwal na nailikas ng mga otoridad sa naging pagsalakay.