Agad na inalerto ni Acting Philippine National Police (PNP) Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Unit kung sakali mang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa mga personalidad na iniuugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Nartatez, handa ang CIDG sa kahit anumang magiging kautusan na manggagaling sa hukuman.
Ito ay matapos na ianunsyo ng Department of Justice (DOJ) na naisumite na sa korte ang mga kasong murder at kidnapping with illegal detention complaint laban sa mga indibidwal na idinadawit sa naturang kaso.
Maliban din sa CIDG, inalerto na rin ng hepe ang mga lokal na pulisya na inatasan rin na maghanda para sa pagpapatupad at paghahain ng warrant sa mga akusado.
Samantala, nanawagan naman si Nartatez sa publiko na maging kalmado at hayaan ang paggulong ng mga proseso upang masiguro na mapapanagot ang mga tunay na may sala.