Tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) na hahabulin ang lahat ng mga car dealer na responsable sa pagpasok ng mga luxury car na pag-aari ng pamilya Discaya, na nakikitaan ngayon ng mga kaduda-dudang record.
Ayon kay BOC Asst. Commissioner Jet Maronilla, sa gumugulong na imbestigasyon ay hindi makakaligtas ang mga dealer na posibleng nakinabang sa mga maanomalyang car deals.
Sa katunayan aniya, isa sa mga pangunahing layunin ng paghahain ng letter of authority (LOA) at search warrant sa property ng pamilya ay ang matunton din kung sinong mga dealer at importer ang nagpasok sa mga sasakyan dito sa bansa.
Maliban sa pag-freeze sa mga naturang ari-arian, nais din ng BOC na makapaghain ng kaso laban sa mga dealer kung mapapatunayang may pananagutan ang mga ito, tulad ng hindi pagsunod sa Customs regulations ng bansa.
Tutukuyin aniya sa kanilang imbestigasyon kung ang mga naturang sasakyan ay nabili sa pamamagitan ng regular order, special order, atbpang paraan, hanggang sa pagbibiyahe sa mga ito, papasok sa Pilipinas.
Ayon kay Maronilla, aaralin ng mga BOC personnel ang lahat ng dokumento ng mga naturang sasakyan, tulad ng purchase order, ownership record, atbpa.
Sa inisyal na pagsusuri ng BOC, ang ilan sa mga luxury car ay nakapangalan sa mag-asawang Discaya habang ang iba ay nakapangalan sa kumpaniya.