-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila M. de Lima na tiyaking magiging mabilis, komprehensibo, at transparent ang proseso ng imbestigasyon matapos irekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Inter-Agency Committee on Integrity (ICI) ang pagsasampa ng kaso laban sa dating Speaker Martin Romualdez at dating kongresista Zaldy Co.

Ayon kay De Lima, positibong hakbang ang pahayag mismo ng Pangulo na papanagutin ang lahat ng sangkot batay sa ebidensya—maging kaalyado, kaanak, o opisyal ng Malacañang. Giit niya, ito ang mismong pangakong dapat tuparin ng administrasyon.

Hinamon din ng kongresista ang Office of the Ombudsman na pabilisin ang pagsusuri ng mga ebidensya at iba pang proseso upang masigurong matitibay at solidong kaso ang maisasampa.

Kasabay nito, iginiit niyang dapat tuparin ng ICI ang pangakong i-livestream ang kanilang mga pagdinig, lalo na habang nakabinbin pa ang panukalang Independent Commission Against Impunity and Corruption (ICAIC) bill na dapat na umanong sertipikahang urgent ng Pangulo.

Tinapos niya ang pahayag sa paalala kung sino ang tunay na biktima sa mga alegasyon ng katiwalian dahil taumbayan ang ninakawan at ang nagdurusa. 

Sinabi ni De Lima dapat kasama ang taumbayan sa pagtukoy sa katotohanan at sa pagtugis kung sino-sino ang dapat managot.