-- Advertisements --

Tatanggap ng financial assistance ang municipal at city government units mula sa national government para mapanatili ang kanilang ipinapatupad na COVID-19 response.

Base sa ikalawang report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, sinabi nito na ang Department of Budget and Management (DBM) ay nakatakdang maglabas ng Bayanihan Grant para sa mga lungsod at munisipyo na nagkakahalaga ng P30.8 billion.

Ang ayudang ito ay katumbas ng kanilang isang buwang Internal Revenue Allotment o share sa kita ng national government.

Bukod dito ay naglunsad na rin ang Land Bank of the Philippines ng P10-billion lending program para sa mga local government units (LGUs).

Layon ng Help via Emergency Loan Assistance (HEAL) na bigyan ng emergency funding ang mga LGUs upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo publiko sa gitna ng COVID-19 health crisis.

Nakasaad sa report ng Pangulo na 5 percent per anum ang fixed interest sa loans na ito, na maaring bayaran ng hanggang limang taon.

Mayroon din itong isa pang taon na grace period sa principal payment.