-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Budget and Management (DBM) ang state agencies at departments na huwag ng humingi ng dagdag na pondo at panatilihin ang pinagkasunduang pondo sa oras na magsimula na ang budget hearing sa Kongreso para sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

Ito ay matapos aprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kabuuang P6.793 trillion na panukalang pondo para sa susunod na taon.

Ginawa ng DBM ang panawagan sa layuning mapigilang maulit na mangyari ang kontrobersiyal na “insertions” ng mga mambabatas sa pambansang pondo ngayong taon.

Nauna na ngang kinuwestyon sa Korte Suprema bilang unconstitutional ang umano’y blank items sa bicameral report ng 2025 national budget.

Umaasa naman si Sec. Pangandaman na hindi na hihingi pa ang mga ahensiya ng karagdagang pondo sa kasagsagan ng deliberasyon ng pambansang pondo.

Pero kung sakali man na humiling ang mga ito ng dagdag na pondo dahil kailangan, posible aniyang ibawas ito sa ibang mga departamento.

Sa kabila nito, iginagalang naman aniya nila ang kapangyarihan ng lehislatura sakaling may mga nasilip silang mga prayoridad na hindi naisama sa panukalang pondo para sa 2026.

Bagamat nagbabala ang kalihim na maaaring makaapekto sa fiscal space sa susunod na taon partikular na sa pagpapatuloy ng mga proyekto at programa ang anumang mga insertion o isisingit sa pondo.

Nakatakda namang isumite ang 2026 proposed budget sa Kongreso dalawang linggo matapos ang taunang ulat sa bayan o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.