Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P3.39 billion na pondo para sa performance-based bonus ng personnel ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa ahensiya, magbebenipisyo ang naturang pondo sa 225,545 kwalipikadong opisyal at personnel ng pambasang pulisya.
Makakatanggap ang bawat kwalipikadong PNP official at personnel ng performance-based bonus na katumbas ng 45.5% ng kanilang buwanang basic salary base noong Disyembre 31, 2023.
Para makwalipika sa bonus, sinabi ng ahensiya na ang mga nasa First, Second at Third Levels ay dapat na makatanggap ng ‘very satisfactory’ rating sa ilalim ng Civil Service Commission-approved Strategic Performance Management System o katumbas ng rating na kailangan ng Career Executive Service Board.
Inihayag din ng ahensiya na ang paglalabas ng performance-based bonus para sa mga kapulisan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para palakasin pa ang morale at kapakanan ng mga manggagawa sa gobyerno partikular na ng law enforcement frontliners.
Ayon kay Budget Sec. Amenah Pangandaman, ito rin ay bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at pagpapatibay ng kanilang pangako sa gobyerno na pagbibigay ng rewards sa performance at pananagutan ng kapulisan na isa sa mga haligi ng ating bansa na araw-araw sinisiguro ang kapayapaan at kaayusan.