-- Advertisements --

Ibinunyag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ibinalik ng Philippine National Police (PNP) ang P500 milyon na umano’y insertion sa P1.3 billion intelligence fund ng ahensya na hindi nagamit. 

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2026 budget ng DILG, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na bumaba sa P800 milyon sa 2026 ang pondo para sa intelligence operations ng Philippine National Police  mula P1.3 bilyon noong 2025. 

Ayon kay Remulla, ang naturang P500 milyon ay ipinasok lamang ng isang kongresista sa budget. 

Tinukoy ni Remulla ang kongresista na nagpasok ng insertions ay ang naghihingi  umano ng 3000 containers ng isda at sa pagkakaalam niya ay mula sa Region 5. 

Matatandaang una nang kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na pinipilit siya ni dating Cong. Zaldy Co na aprubahan ang permit para sa importasyon ng 3,000 containers ng tatlong kumpanya.

Ayon kay Remulla, hindi nila tinanggap ang karagdagang pondo dahil natatakot silang may kapalit ito.

Nagtaka naman si Gatchalian kung bakit may “insertion” sa intelligence fund ng pambansang pulisya.

Gayunpaman,  tiniyak ni Gatchalian na suportado ng Senado ang paglalaan ng sapat na intelligence fund para sa PNP, ngunit dapat itong manatiling malinis at walang kapalit.