ILOILO CITY – Binasag na ni Rabiya Mateo ang pananahimik laban sa mga akusasyon sa kanya ng ilang kandidata matapos kinoronahang Miss Universe Philippines 2020.

Ito ay kasunod ng “cryptic story” ni Miss Taguig Sandra Lemonon kung saan si Rabiya lang umano ang pinayagan na magpapasok ng hair and make up artist.

May ibubunyag rin daw si Lemonon na malaking balita ngayong araw.

Matapos nito, nag-post naman ang Miss Universe Philippines national director na si Shamcey Supsup sa kanyang IG story na ang totoong reyna ay marunong tumanggap ng pagkatalo at kritisismo.

Dito ay nag-post uli si Lemonon na ang totoong reyna ay patas at hindi mandaraya.

Mangiyak-ngiyak na sinabi ni Rabiya na maging siya ay hindi rin makapaniwala na siya ang tatanghalin bilang Miss Universe Philippines 2020.

Ayon kay Rabiya, nanalo siya dahil ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang makuha ang pinakauna niyang national title.

Nilinaw 23-year-old Ilongga beauty queen na hindi totoo na ibinigay sa kanya ang mga katanungan sa pageant.

Samantala, dinipensahan ni Miss Davao City Alaiza Malinao si Rabiya kung saan iginiit nito na hindi nandaya ang Ilongga beauty queen at siya mismo ang nagme-make up sa kanyang sarili taliwas sa akusasyon ni Lemonon.