Tinanggap na umano ng International Criminal Court (ICC) si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma bilang testigo, ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Unang umalis sa Pilipinas si Garma nitong Setyembre 2025 patungo sa bansang Malaysia.
Sa naturang bansa ay pinaniniwalaang kakausapin niya ang isang hindi na pinangalanang ICC official, batay na rin sa naunang rebelasyon ni Garma sa National Bureau of Investigation, bago ang kaniyang biyahe.
Ilang lingo matapos siyang umalis sa Pilipinas, inilabas na rin ang warrant of arrest laban kay Garma, dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa pananambang kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga.
Sa isang pahayag ngayong araw (Dec. 4), sinabi ni Trillanes na tetestigo na si Garma laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte matapos siyang tanggaping witness.
Dahil dito, natanggal na rin umano siya sa listahan ng mga indibidwal na sangkot sa kasong kinakaharap ng dating pangulo sa international tribunal.
Ayon pa rin kay Trillanes, nananatiling kabahagi sa kaso si dating Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde, at kasalukuyang police officials na sina Gen. Romeo Caramat at Gen. Eleazar Matta.
Kasama rin umano sa listahan si dating National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo.
















