Hindi pa umano sumasagot si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa komunikasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaniya.
Ito ay kasunod ng opisyal na paghiling ng NBI sa International Criminal Police Organization (Interpol) para sa paglabas ng red notice laban sa dating police colonel na dawit sa pananambang kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, tinawagan na ng kaniyang opisina ang numerong iniwan ni Garma noong siya ay nagtungo sa Malaysia, ilang lingo na ang nakakalipas, para umano kausapin ang ilang opisyal ng International Criminal Court (ICC).
Gayunpaman, hindi pa rin aniya sumasagot si Garma.
Ang tanging pagbabago lamang sa ngayon, ayon kay Santiago, ay naaabot at na nagri-ring na ang naturang numero, hindi tulad ng dati na hindi ito matawagan.
Una rin aniyang nangako si Garma na babalik siya sa Pilipinas kung mailalabas na ang arrest warrant laban sa kaniya ngunit hanggang ngayo’y hindi pa rin siya bumabalik sa bansa, kahit inilabas na ng Branch 279 ng Mandaluyong Regional Trial Court ang kaniyang warrant.
Batay sa impormasyong hawak ng NBI, nananatili sa Malaysia ang dating police official, kasama ang isa sa kaniyang pinsan.
Kasunod ng arrest warrant na lumabas laban kay Garma, kanselado na rin ang kaniyang passport.















