-- Advertisements --

KALIBO Aklan — Iginiit ni dating Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na karapatan at kalayaan ng bawat mamamayan ang magsagawa ng mga rally laban sa pamahalaan.

Ayon kay Alejano, bahagi ito ng demokratikong proseso kung saan maaaring ipahayag ng taumbayan ang kanilang saloobin hinggil sa mga isyung kinakaharap ng gobyerno.

Gayunpaman, aminado si Alejano na hindi maikakaila na may mga isyu at personal na interes na nakapaloob sa ilang kilos-protesta.

Aniya, ang ilang religious group na nagsasagawa ng rally ay hindi umano para sa transparency at accountability, kundi bilang tugon o paghihiganti sa mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon.

Dagdag pa niya, tila layunin din ng mga grupong ito na ipanawagan ang pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gayunman, binigyang-diin ni Alejano na hindi rin siya pabor na si Bise Presidente Sara Duterte ang pumalit sa pwesto, dahil naniniwala siyang hindi ito angkop na mamuno sa bansa.

Sa kabila nito, nilinaw ni Alejano na hindi rin tama na manahimik ang mga mamamayan, partikular na ang mga religious group dahil bilang responsableng mamamayan, tungkulin ng bawat isa na isigaw at ipaglaban ang tama sa harap ng mga maling gawain ng gobyerno.