ILOILO CITY – Patay ang dating kandidato sa pagka-konsehal sa Hamtic, Antique, matapos tambangan sa national highway ng Barangay Maybato North, San Jose, Antique.

Ang biktima ay kinilalang si Bonny Sanchez, residente ng bayan ng Hamtic, ngunit pansamantalang naninirahan sa Barangay Maybato Sur, San Jose, Antique.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Rowell Buccat, Deputy Chief of Police ng San Jose Municipal Police Station, sinabi nito na sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo at papauwi na sana sa kanilang bahay nang tambangan ng riding-in-tandem.

Ayon kay Buccat, hindi bababa sa anim na sugat ang natamo ng biktima na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Ani Buccat, isa sa mga sinusundan nilang anggulo ay ang personal na away.

Napag-alaman na si Sanchez ay tumakbo dati bilang konsehal sa bayan ng Hamtic, Antique.