-- Advertisements --

Dumating ngayong araw si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang tumugon sa imbitasyon ng komisyon kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Sa kanyang pagharap, tiniyak ni Romualdez ang buong pakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon at ipinahayag na handa siyang sagutin ang lahat ng katanungan ng komisyon.

Nang matanong naman tungkol kay dating Rep. Zaldy Co, iginiit niya na ang kung sino mang naimbitahan ng komisyon ay kailangang bumalik ng bansa upang harapin ang anumang imbestigasyon.

Dagdag pa niya handa siyang bumalik kung sakali man na imbitahan muli siya ng komisyon para sa mga susunod pang pagdinig.

Matatandaang naunang inimbitahan si Romualdez noong Oktubre 1 ngunit walang natanggap na tugon ang komisyon kaya naman pinadalhan muli siya noong Oktubre 7.

Samantala, dumating din ngayong araw sa tanggapan ng ICI si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman upang ipaliwanag ang proseso ng paghahanda at pagpapatupad ng national budget, kabilang ang National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act (GAA).

Pasado alas-8:00 ng umaga nang dumating si Pangandaman kasama ang ilang matataas na opisyal ng DBM. Kabilang sila sa mga resource person ng ICI sa nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Tinalakay sa pagdinig ang buong proseso ng pagbuo ng NEP, kung paano ito nagiging GAA, at ang mga mekanismo sa paglalabas ng pondo ng pamahalaan, kabilang ang mga unprogrammed funds.

Inirekomenda rin ng kalihim na masusing silipin ng Commission on Audit (COA) kung maayos na naipapatupad ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga proyekto.

Binigyang-diin niya na dapat ay maayos na napaplano at nabubusisi ng mga implementing agencies ang kanilang mga proyekto bago isumite sa DBM.

Suportado rin ni Pangandaman ang isinusulong na live budget deliberation sa Kamara at Senado kung saan makikilahok ang mga civil society organization upang mapalakas ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.