CENTRAL MINDANAO – Sa ngalan umano ng kapayapaan iprenisenta mismo ni Kumander Butoh Sanday ang sarili kay 602nd Brigade commander, B/Gen. Roberto Capulong sa Camp Lucero, Carmen, North Cotabato.

Si Kumander Sanday ay dating brigade vommander at G3 ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ngunit pinatalsik ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang masangkot ito sa kaguluhan sa Pikit, North Cotabato at hangganan ng Pagalungan, Maguindanao.

Nilinaw ni Sanday na hindi siya sumuko kung saan isinumite lamang niya ang kanyang sarili para sa kapayapaan at pagkakaisa.

Isang emisaryo ang nakipag-usap kay Sanday at nakumbinsi ito na ipresenta ang kanyang sarili sa militar para bigyan linaw ang kinasasangkutan nitong gulo sa bayan ng Pikit, Cotabato at Pagalungan, Maguindanao.

Matatandaan na sumiklab ang matinding sagupaan sa pagitan nina Kumander Ricky Hussien ng MILF at Kumander Butoh Sanday kung saan maraming sibilyan ang lumikas.

Marami rin ang nasawi at nasugatan sa engkwentro ng magkaaway na grupo sa bayan ng Pikit.

Inamin ni Sanday na nasaktan siya ng patalsikin bilang opisyal at myembro ng MILF ngunit maluwag niya itong tinanggap.

Agad inatasan ni Sanday ang kanyang mga tauhan na wag gumawa ng hakbang na nakakasira sa kapayapaan sa kanilang lugar.

Samantala nagpapasalamat naman si Pikit, Cotabato Mayor Sumulong Sultan sa naging hakbang ni Kumander Sanday at umaasa na ito na ang simula ng kapayapaan at pagkakaisa ng mga naglalabang grupo.