Lumutang ang pangalan ni dating two-division world champion Danny Garcia bilang top contender upang susunod na makakasagupa ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

Pero ayon kay MP Promotions president Sean Gibbons, kailangan daw munang dominahin ni Garcia ang laban nila ni Ivan Redkach ng Ukraine sa darating na Enero 25 upang maselyuhan ang kasunduan.

“Redkach is a tough guy who comes to fight but Danny should win,” ani Gibbons.

Ilan din sa pinagpipilian ng Team Pacquiao ang retirado nang si Floyd Mayweather Jr. na posible raw bumalik sa ibabaw ng ring sa susunod na taon.

Kung si head coach Buboy Fernandez raw ang tatanungin, wala raw itong problema kahit sino pa ang makaharap ng Fighting Senator.

Ngunit sinabi naman ni Coach Freddie Roach na mas gusto niya raw na si Danny ang susunod na kalaban ni Pacquiao at kumpiyansa itong magagapi ni Pacman ang Puerto Rican boxer.