Mariing kinondena ng dalawang senador ang panibagong pag-atake ng China Coast Guard (CCG) laban sa dalawang barko ng Pilipinas malapit sa Pag-asa Cay 2 sa West Philippine Sea (WPS)
Nangyari ang insidente habang ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay nagsasagawa ng routine mission kasama ang scientific team upang mangolekta ng sampol ng buhangin.
Ayon kay Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada, hindi na nakagugulat ang agresibong aksyon ng CCG lalo na’t matagal na nilang ginagambala ang ating maritime scientist at uniformed personnel sa loob ng ilang taon.
Gayunpaman, hindi aniya magpapasindak ang bansa at patuloy na maninindigan sa pagtutol sa bawat paglabag sa ating soberanya at dangal.
Iminungkahi pa ni Estrada na maghain ang bansa ng isang matatag at malinaw na diplomatikong protesta laban sa patuloy na mga paglabag ng China.
Dahil sa agresibong aksyon ng China, kinakailangan aniya ng bansa na palakasin ang pakikipag-alyansa sa mga bansang kapareho natin ng paninindigan para sa kapayapaan, katatagan, at paggalang sa batas sa rehiyon.
Nanawagan naman si Senador Joel Villanueva sa Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-aralan ang lahat ng posibleng hakbang upang agad na makapaghain ng panibagong diplomatikong protesta laban sa China.
Giit ng senador, hindi lamang ito usapin ng pagtatanggol sa ating soberanya at sovereign rights—ito ay tungkol sa pangangalaga sa buhay at kapakanan ng mga mamamayan.