KALIBO, Aklan—Dahil sa selos at galit, sugatan ang isang boxing trainor matapos na pinagsasaksak ng dating kasintahan ng kanyang live-in partner sa Sitio Diniwid, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.

Kinilala ang biktima na si Joebert Barbon, 40, tubong Cebu City habang ang suspek naman ay kinilala na si Reman Cahilig, 30, at residente ng San Jose, Romblon.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Malay PNP Bocaray Sub-station, sekreto umanong sinundan ng suspek si Rosaly Maestro, live-in partner ng biktima sa kanyang pag-uwi hanggang sa boarding house nito.

Dagdag pa nito, na kumatok muna ang suspek bago pinasok sa loob ng kuwarto ang natutulog na lalake at inundayan ng makailang ulit na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa mawalan ito ng malay.

Samantala, kaagad naman tumakas si Cahilig matapos ang insidente.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.