-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Maliban sa epekto ng importasyon, mistulang na-double kill ang ilang mga magsasaka ng sibuyas sa Gabaldon sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa pagkalugi matapos na mabahaan ang kanilang mga tanim na sibuyas.

Ito ang inihayag sa Bombo Radyo Kalibo ni Imelda Luz, may ari ng taniman ng sibuyas sa naturang lugar.

Halos anim na ektaryang taniman umano nila ng sibuyas ang nabahaan dukot ng malakas na pag-ulan may dalawang linggo na ang lumipas dala ng Low Pressure Area (LPA).

Dahil dito, imbes na 2,000 sacks ng produkto ang inaasahang ma-harvest ay nasa 500 sacks na lamang ang kanilang posibleng mapakinabangan.

Nakatakda sanang anihin ang mga ito sa buwan ng Marso at Abril, subalit dahil nalubog sa baha ay masuwerte na umano kung maka-ani sila ng 50 porsiyento ng kanilang tanim.

Maliban dito, sinabi ni Luz na posible pang ibagsak nila ang presyo ng kanilang produkto sa pagdating ng mga imported na sibuyas sa bansa.