-- Advertisements --

Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱176.4 milyon halaga ng ilegal na droga sa serye ng operasyon mula Abril 25 hanggang Mayo 2, ayon sa ulat nitong linggo.

Kabilang sa nakumpiska ang 12,381.51 gramo ng shabu, 260 ecstasy tablets, 72,178 gramo ng marijuana kush, 14,007.94 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 17,950 gramo ng tuyong tangkay ng marijuana, at 6,575 pirasong halamang marijuana.

Pinakamaraming operasyon ang isinagawa sa National Capital Region (NCR), Central Visayas, Caraga Region, at Cordillera.

Sa Caloocan City, nasabat ng PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) at Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang 11 kilo ng shabu sa isang entrapment operation noong Abril 27. Noong Abril 29 naman, 72.178 kilo ng marijuana kush ang natuklasan sa Port Area, Manila sa operasyon ng PDEA, Manila International Container Port, at Bureau of Customs.

Ipinahayag ni PDEA Director General Isagani R. Nerez ang kanyang kasiyahan sa mga tagumpay ng mga ahente at pinuri ang koordinasyon ng mga law enforcement agencies sa kampanya kontra droga.

Ayon kay Nerez, lahat ng operasyon ay nakabatay sa intelihensiya at nakatuon sa pagwasak ng mga organisadong grupo ng droga. Hindi aniya hihinto ang pagtutok sa pagpigil ng suplay ng ilegal na droga. (Report by Bombo Jai)