-- Advertisements --

Inatasan ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Armed Forces of the Philippines na dagdagan pa ang presensya at pasilidad ng militar sa Batanes.

Ito ang naging direktiba ng kalihim kasunod ng kaniyang pagbisita sa Naval Detachment sa Mavulis Island at sa itinatayong Naval Forward Operating BAse Mahatao sa Batan Island na kapwa nasa Batanes.

Dito ay binilinan rin ni
Sec. Teodoro ang militar na dagdagan pa ang mga istraktura sa lugar lalo na’t ang Batanes ang ‘spearhead’ ng depensa ng ating bansa pagdating sa hilagang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Bukod dito ay nanawagan din ang kalihim ng mas pinalakas pang interagency cooperation sa pagitan ng AFP at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa layuning mas protektahan pa ang mga Pilipinong mangingisda.

Matatandaang una nang sinabi ng AFP na ang pagbisitang ito nina DND Sec. Teodoro at AFP chief Brawner sa Mavulis Island kasama ang iba pang mga matataas na military at defense officials ay layuning kamustahin ang sitwasyon ng mga tropa doon, at gayundin ang pagsasagawa ng assessment sa territorial defense capabilities at fortifications sa lugar.