CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ng inventory ang mga kinatawan ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga sako-sako at naka-pack na mga sigarilyo sa loob ng isang warehouse at pagawaan ng mga pekeng sigarilyo sa Palattao, Naguillian, Isabela.
Matapos ang imbentaryo ng mga pekeng sigarilyo ay hahakutin ito ng BOC sa kanilang punong tanggapan sa Maynila upang doon sirain.
Sa ngayon ay hindi pa malaman kung kailan matatapos ang isinasagawang inventory ng mga kinatawan ng BOC at BIR dahil sa dami ng mga sigarilyong kailangang ma-inventory.
Sa paunang pagtaya ng BOC ay maaaring abutin ng daan-daang milyong pisong halaga ang mga pekeng sigarilyo bukod pa sa halaga ng mga machines na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo.
Ayon sa BOC at BIR ito na ang pinakamalaking warehouse na nag-ooperate ng illegal ang nasalakay ng mga otoridad.
Ayon sa Chief Legal Division ng BIR Region 2, ang mga documentary stamp na makikita sa kaha ng mga sigarilyo ay dapat manggaling sa kanilang punong tanggapan.
Nakakatiyak aniya silang peke ang mga sigarilyo dahil ang serial number nito ay pare-pareho.
Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong economic sabotage laban sa noong una ay sinasabing mga Koreano ngunit kalaunan ay natuklasang mga Chinese National na nasa likod ng illegal na operasyon ng pagawaan ng mga pekeng sigarilyo.
Nag-ugat ang pagsalakay ng mga otoridad sa nasabing lugar matapos parahin ng mga kasapi ng Naguillian Police Station sa isang checkpoint ang isang wingvan truck.
Sa pagsasagawa ng inspeksyon ng mga pulis sa loob ng truck na sa unang tingin ay naglalaman lamang ng mga ipa ng palay ngunit nang suriing maigi ay natuklasan ang mahigit anim na raang sako ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na natabunan ng mga ipa.