-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan na ng Department of Agriculture (DA) ang nasa 32 mga lugar sa bansa na sinasabing may mga rice trader na binabarat ang presyo ng palay na binibili sa mga magsasaka. 

Ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na nakatanggap sila ng reklamo na nasa P13  o P15 kada kilo ng palay.  

Sinabi ni Laurel na mahalagang matukoy kung sino ang mga traders na ito ng sa gayon mapanagot ang mga ito sa batas.

Sa ngayon inaaral na rin nila kung anong batas,  regulasyon o administrative order  ang kailangan o pwedeng gawin para  mapanagot ang mga trader na sinasamantala ang kahinaan ng mga magsasaka.

Posible rin aniya silang magpalabas ng polisiya para makapagtakda ng floor price sa palay.

Ito aniya ay bilang proteksyon na rin sa kapakanan ng mga magsasaka, upang sa sandaling may mga trader na lumabag sa itinakdang floor price sa palay ay pwede nilang makasuhan.