Sa gitna ng kontrobersiya na bumabalot sa National Food Authority (NFA) kaugnay sa pagbebenta ng rice buffer stocks sa iilang private traders, ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pag-audit sa NFA rice disposition simula 2019.
Sa isang statement, sinabi ng kalihim na pinayagan nito ang Internal Audit Service ng DA sa pangunguna ni officer-in-charge Joan Jagonos-Oliva na siyasatin ang NFA rice stocks.
Kaugnay nito, inatasan ni Sec. Laurel ang mga opisyal at personnel ng DA-NFA na makipagtulungan sa Internal Audit Service para matiyak ang matagumpay na pagsasagawa ng naturang audit.
Ayon kay Laurel, susuriin sa nasabing audit ang disposition data simula noong 2019 nang maipasa bilang batas ang Rice Tarrification Law (RTL) na nagtanggal ng awtoridad ng NFA na mag-angkat at direktang magbenta ng bigas sa mga trader.
Ang natitirang tungkulin na lamang ng NFA ay ang buffer stocking sa panahon ng kalamidad at sakuna kung saan maaaring makakuha ng buffer stock mula sa NFA o sa mga lokal na magsasaka.
Ayon sa DA, ang pangunahing mandato ng NFA ay magkaroon ng 15 hanggang 30 araw na buffer stock ng bigas o 350,000 metrikong toneladang reserba na gagamitin sakaling may kalamidad o sakuna.
Sa datos ng NFA noong Pebrero 1, 2024, ang bilang ng 50-kilo na sako ng milled rice ay nasa 361,396 bags kung saan nasa 193,386 bags ang buffer stocks para sa mahigit 3 buwan.