-- Advertisements --

Naninindigan si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa kanyang posisyon na ang Department of Agriculture (DA) ay nagpapatupad ng isang mahigpit at patas na sistema pagdating sa proseso ng importasyon ng isda sa bansa.

Ginawa ng kalihim ang tugon matapos ang naganap na pagdinig sa Kamara de Representantes noong nakaraang araw.

Sa nasabing pagdinig, inilahad ni Secretary Tiu-Laurel na umano’y pinilit siya ni Ako Bicol Representative Zaldy Co na bigyan ng import allocation para sa isda ang tatlong partikular na kumpanya, kung saan kabilang dito ang ZC Victory Fishing Corp.

Mariin niyang tinanggihan ang nasabing pressure at siniguro na ang proseso ng DA ay nananatiling obhetibo.

Sa isang panayam , muling iginiit ng kalihim ang kanyang naunang pahayag na walang sinumang indibidwal o kumpanya ang pinapaboran ng Department of Agriculture pagdating sa mga usapin ng importasyon.

Tinitiyak niya sa publiko na ang lahat ng aplikasyon ay dumadaan sa masusing pagsusuri at walang personal na impluwensya ang nakakaimpluwensya sa mga desisyon.

Binigyang-diin niya na ang prosesong pinaiiral ng DA ay nakabatay sa datos (data-driven), kaya’t ito ay patas at walang kinikilingan para sa lahat ng mga aplikante.

Ipinaliwanag pa ng kalihim na hindi rin pinapaboran ng DA ang Trans-Pacific Journey Fishing Corp. (TPJ), isang kumpanya na pagmamay-ari ng pamilya ni Navotas Representative Toby Tiangco, bagama’t kinikilala ito bilang isa sa mga nangungunang importer ng galunggong sa bansa.

Ayon kay Secretary Tiu-Laurel, matagal na umanong nangunguna sa industriya ang nasabing kumpanya, at ito ay naganap na kahit pa noong nakaraang administrasyon.

Ito ay nagpapakita lamang na ang kanilang tagumpay ay bunga ng kanilang sariling pagsisikap at hindi dahil sa anumang pabor mula sa DA.