-- Advertisements --

Ibinunyag ni Department of Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. na pinilit umano siya ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co na magbigay ng import allocation sa mga kumpanyang kaniyang inendorso.

Ginawa ng DA chief ang rebelasyon nang tanungin ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon hinggil sa alokasyon ng mga inaangkat na isda ng bansa sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Lunes, Setyembre 15.

Ayon kay Sec. Laurel, mariin niyang tinanggihan ang kahilingan na maglabas ng import permits para sa tinatayang 3,000 container ng isda, dahil malinaw umano ang umiiral na formula na ginagamit ng DA sa alokasyon.

Aniya, pinipilit sila ng mambabatas noon na mag-isyu ng import permit kahit mayroon na silang formula na patas at base sa siyentipikong datos kayat hindi siya pumayag dahil kaya umano niyang panindigan ang patas na sistema.

Dagdag pa ng kalihim, tatlong kumpanya ang inendorso ni Co upang makakuha ng alokasyon ngunit wala umano siyang ibinigay ni isang container kabilang na sa ZC Victory Fishing Corp.